Thursday, May 18, 2017

Avisala Encantadia

Bihira akong manood ng mga Filipino na serye. Pero nitong nakaraang sampung buwan ay nakuha ng programang Encantadia ang aking atensiyon.

Fantaserye ang tawag nila dito, isang serye na ang mga karakter ay hindi mga ordinaryong tao at ang mga kaganapan ay hindi nangyayari sa tunay na buhay.  Kadalasan ang mga karakter ay kakaiba ang mga anyo at maaaring may kapangyarihan at ang mundong kanilang kinaiikutan ay hindi tulad ng sa atin.

Ang Encantadia ay tungkol sa apat na magkakapatid na diwata (tinatawag na mga Sanggre) na nag-iingat ng apat na makapangyarihang brilyante. Sila rin ang mga namumuno at nagtatanggol sa Encantadia laban sa mga nagnanais na sakupin ito.

At dahil mahilig ako sa mga kuwentong science fiction  (o scifi, sa maiksing ngalan) at fantasy ay tinutukan ko ang programa at nagustuhan ko naman. Naging bahagi ang Encantadia nang aming hapunan.

Isang magandang dahilan na panoorin ang serye ay ang pagkakabilang ng napakagaling na aktor na si John Arcilla sa napakahalagang papel na si Hagorn, ang tinik sa dibdib ng mga Sanggre. Maganda ang pagkakasulat ng karakter at mahusay itong nagampanan ni Arcilla. Isa ito sa mga hindi malilimutang pagganap ni John, kabilang dito ang Heneral Luna.

Isa ring pang-enganyo ng palabas ay ang mga naggagandahang artista na kabilang rito tulad nina Marian, Glaiza, Kylie, Gabbi, Sanya, Mikee, Kate, Vaness, Inah, Klea, Arra, Jinri at Solenn. Hindi lang sila magaganda, magagaling pang mga artista.

Nakakalungkot talaga kapag matatapos na ang isang programang pinaguukulan mo ng panahon. Ganito ang nararamdaman ko ngayong matatapos na ang Encantadia. Napamahal na sa amin ang fantaseryeng ito.  May mga gumagawa ng petisyon na magkaroon ng ikalawang aklat ang programa. Sana matuloy.


Tuesday, May 16, 2017

Naadik sa Netflix

Natagpuan ko na lang ang sarili ko na nahumaling sa panonood ng mga serye sa telebisyon. Pero hindi iyong mga pang-araw-araw na serye na gawa ng mga istasyon ng Dos at Siyete ang tinutukoy ko. Ang mga seryeng pinanonood ko ay gawa sa Amerika.
Nadiskubre ko kasi ang Netflix. Isa itong plataporma sa internet kung saan makapanonood ka ng mga pelikula at serye. Hindi nga lang ito libre at may buwanang bayad na P500. Ang naibigan ko sa Netflix ay ang paglikha nila ng mga orihinal na serye na sa kanila lang mapapanood. At ang kaibahan nito sa mga serye ng Amerika na minsan sa isang linggo kung ipalabas ang bawat yugto, ang mga serye ng Netflix ay inilalabas ng isang bagsakan.  Ibig sabihin, puwede mo ng mapanood ang buong season ng isang serye sa isang upuan lang.  Hindi mo na kailangang maghintay ng isang linggo para mapanood ang susunod na yugto.
Natapos ko nang panoorin ang unang season ng Stranger Things at 13 Reasons Why? Kasalukuyan kong pinanonood ang A Series of Unfortunate Events. Gusto ko namang isunod ang Daredevil.

Sunday, May 7, 2017

Bakit 13 Reasons Why?

Karimarimarim.  Nakapanghihilakbot.  Nakahihimatay.
Ang mga salitang tinuran ay angkop kung ang pinag-uusapan ay panooring katatakutan o patayan. Ngunit ang mga salitang iyon ay nababagay rin gamitin para ilarawan ang eksena ng pagpapakamatay ni Hannah Baker sa seryeng “13 Reasons Why”.
Talagang ipinakita sa dramang pang-tinedyer kung paano hiniwa ni Hannah ang kanyang mga braso gamit ang blade habang nakalubog sa bathtub.  Kitang-kita ang pagsirit ng dugo ni Hannah nagpakulay pula sa umaapaw na tubig.  Halos hindi ko matingnan ang telebisyon habang nagaganap ang eksenang iyon. Kahit ang aking tatay at kapatid kong babae ay nahirapan ding panoorin ang pagpapakamatay ni Hannah. Mas nakakatakot pa ito sa mga pelikulang horror.  Ganoon din ang naramdaman ko sa pelikulang “128 Hours”, kung saan pinutol ng bida ang kanyang braso na naipit sa malaking bato para makawala.
Dahil sa suicide scene na ito ay lalong naging kontrobersiyal ang “13 Reasons Why”. Sa serye na ito ay nakatanggap ang high school student na si Clay ng mga cassette tapes na naglalaman ng mga paliwanag ni Hannah kung bakit niya kinitil ang kanyang buhay.
Bagamat naging tagumpay ang serye sa dami ng nanoood ay inulan pa rin ito ng maraming kritisismo.  May mga nagsabi na para na ring sinangayunan nito na ang pagpapakamatay ay kalutasan kung hindi na makayanan ang mga dagok ng buhay. May nabasa rin ako na baka tularan ito ng iba at gumawa din ng cassette tape recording bago magpakamatay. O di kaya ay maging creative at gumawa ng ibang gimik para mas pag-usapan ang gagawing pagpapatiwakal. Meron ding hindi nagustuhan ang ipinakita nitong pagtuturo ni Hannah sa ibang tao  na siyang dahilan ng pag-ayaw na niyang mabuhay.
Sa punto ng isang manonood ay naibigan ko ang serye. Naging importante sa akin na makilala ang mga karakter at matunghayan ang mga kaganapan sa kanilang buhay. Kahit na sa totoo lang ay gusto ko silang lahat na pagbabatukan.
Ngunit mairerekomenda ko ba itong panoorin ng iba?  Sa ganang akin ay nararapat itong panoorin ng may mga kasama tulad ng pamilya o mga kaibigan, at pag-usapan kung ano ang natunghayan. Mahirap itong panoorin mag-isa lalo na ang eksena ng pagpapakamatay. Baka may makapanood nito na nararanasan ang pinagdaanan ni Hannah. Maigi na may kasama siya na nasa na nasa wastong pag-iisip na makakausap niya. Kung magkaroon man siya ng ideya na tularan si Hannah, sana ay maagapan ito ng masinsinang pag-uusap.

#13reasonswhy